MANILA, Philippines - Isang Pinoy welder ang pinaghahanap matapos na umano’y mahulog sa isang oil rig sa Gulf of Mexico sa Estados Unidos noong Linggo.
Sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Washington DC, isang search and rescue operations na ang isinasagawa ng US Coast Guard kasama ang ipinadalang dalawang eroplano at dalawang helicopter at mga barko upang mahanap ang katawan ng 38-anyos na Pinoy na hindi pa pinapangalanan ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Nakarehistro bilang trabahador ng Offshore Specialty Fabricators na nakabase sa Houma, Louisiana ang nasabing missing Pinoy.
Nahulog umano ang Pinoy welder habang nagtatrabaho sa platform sa Vermillion Block 200 na nasa katimugang bahagi ng Freshwater Bayou, pagitan ng Lake Charles at Baton Rouge sa Louisiana noong Oktubre 27 ng gabi.
Sinabi ni Ambassador Jose Cuisia na patuloy ang search operations at umaasa siyang mahahanap ang nawawalang Pinoy.
Noong nakalipas na taon, tatlong Pinoy ang nasawi habang tatlo pa nilang kasamahan ang malubhang nasugatan matapos na sumabog at masunog ang platform na kanilang pinapasukan sa Gulf of Mexico sa Louisiana coast.
Bagaman may karanasan sa pagwe-welding ang mga Pinoy bago pumasok sa Grand Isle Shipyard Inc na sub-contractor ng Black Elk Energy na nagmamay-ari ng nasabing platform, sinasabi sa report na ang pagsabog ay bunsod sa “unsafe welding practices†na pinabulaanan ng mga biktima.