MANILA, Philippines - Walang plano ang Malacañang na pigilin si Manila Mayor Joseph “Erap†Estrada sa pagpunta nito sa Hong Kong para humingi ng paumanhin kaugnay sa isang hostage incident sa may Luneta sa Maynila na ikinasawi ng walong turistang Hong Kong national noong taong 2010.
Sinabi ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr. sa Radyo ng Bayan kahapon na sariling inisyatiba ni Estrada ang pagpunta sa Hong Kong at walang dahilan upang manghimasok dito ang Malacanang.
“Yun naman pong inisyatiba ng Lungsod ng Maynila at ni dating Pangulong (Joseph) Estrada na siyang alkalde doon ngayon ay independent initiative po ng lungsod, at ang akin pong personal na pananaw diyan, makikita naman natin ‘yung layunin nila to promote goodwill between the City of Manila at ‘yung city state of Hong Kong, so ‘yon ang pananaw natin hinggil sa bagay na ‘yan,†paliwanag pa ni Coloma. “Independyenteng inisyatiba po nila ‘yan at wala pong dahilan para manghimasok pa diyan ang ating pambansang pamahalaan,†dagdag pa ni Coloma.
Magugunita na mismong si Pangulong Benigno Aquino III ang nagsabi sa pagdalo nito sa FOCAP forum kamakailan na nagkaroon siya ng produktibong pakikipag-usap sa Chief Executive ng Hong Kong, at nilinaw po niya doon ang kanyang posisyon hinggil diyan sa hostage incident, at sinabi niyang mainam naman ang naging pagtanggap ng Hong Kong Chief Executive sa kanyang paliwanag.