MANILA, Philippines - Dahil sa nalalapit na barangay election, hiniling ng isang mambabatas na dagdagan ang pondo ng mga barangay.
Ayon kay Zambales 1st District Rep. Jeffrey Khonghun, ang barangay ang may pinaka crucial role at nagsisilbi din mukha ng gobyerno kayat dapat na magkaroon ito ng sapat na pondo upang magampanan nilang mabuti ang kanila trabaho.
Bukod dito ang mga barangay din ang direktang sangkot sa pang araw-araw na pamumuhay ng mga ordinaryong tao kung saan nila ipinapatupad ang pamamahala.
Nakatakdang maghahain ng panukala ang mambabatas upang mapabilis ang proseso sa pagÂlalaan ng karagdagang pondo sa mga barangay sa pamamagitan ng pagpapanatili sa kalahati ng nakolektang community tax ng kanilang lugar na nasasakupan.
Base umano sa Section 164 ng Local Government Code of 1991 na ang barangay ay maaaring makihati sa 50% na community tax na kanilang nakolekta matapos ang matagal na paghihintay at kung hihingi pa ang barangay nito.
Giit ng kongresista, ang ganitong sistema kung saan ang barangay ay kailangan pang manlimos para sa karagdagang pondo mula sa municipal at city leaders ay dapat nang mahinto dahil ito ang nagiging dahilan sa pagkakaantala ng kanilang serbisyo.
Sa ihahaing panukala ni Khonghun, nais nito na amyendahan ang Section 164 upang otomatikong maitatago ng barangay treasurer ang 50% na share ng kanilang makokolektang community tax habang ire-remit naman ang natitirang pondo sa city o municipality tuwing katapusan ng buwan.