Sa pagdalo sa Senate hearing Seguridad ni Napoles tiniyak ng PNP-SAF

MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng PNP-Special Action Force  ang seguridad ni Janet-Lim Napoles, ang itinuturong mastermind sa P10 bilyong pork barrel scam kaugnay sa gagawing pagsalang nito sa imbestigasyon ng Senado.

Ayon kay PNP–SAF Director P/Chief Supt. Carmelo Valmoria, nakaantabay lamang sila sa anumang ipag-uutos ng korte.

Kasunod ito ng pagpapadala ng subpoena ng Senate  Blue  Ribbon Committee  kay  Napoles na kailangan sumipot sa darating na Nobyembre 7 kaugnay ng pagpapatuloy ng pagdinig  ng pork barrel scam.

Una rito,  sinabi ni Makati  City Regional Trial Court (RTC) Branch 150 Judge Elmo Alameda  na maaari nilang payagang makadalo sa pagdinig ng Senado si Napoles  basta’t matiyak lamang ng PNP  ang seguridad nito.

Nabatid na naka-address   kay  Valmoria  ang  subpoena  dahilan ang PNP-SAF ang direktang nangangalaga sa kustodya ni Napoles sa Fort Sto. Domingo, Sta Rosa City, Laguna.

Sa kasalukuyan, bantay sarado si Napoles sa ‘mini mansion’ na nagsisilbing detention cell nito sa Fort Sto. Domingo ng may 300 SAF personnel upang hindi makatakas.

Magugunita na noong Setyembre 1 ay inilipat ng kustodya si Napoles sa Fort Sto. Domingo matapos itong katigan ng korte dahil umano sa banta sa buhay ng pork barrel scam operator.

 

Show comments