MANILA, Philippines - Simula na ngayon ng kampanya para sa barangay elections na magtatapos sa Oktubre 26.
Sinabi ni Commission on Elections Chairman Sixto Brillantes, Jr. na mas mataas ang bilang ng mga boboto sa halalang pambarangay at mas mataas din umano ang bilang ng election-related violence para sa idaraos na October 28 barangay elections.
Kung noong May 13 elections ay nagkaroon ng 77 percent voter turnout, inaasahan ni Brillantes na magiging mas mataas ito ngayong barangay polls at maaaring umabot ng hanggang 80 porsiyento.
Inaasahan din nilang tataas maging ang mga election-related violence.
Ngunit naghahanda na aniya sila para sa mas magulong halalan dahil karaniwan na aniyang nagkakaroon ng personalan sa halalang pang-barangay.
Amiando si Brillantes na hindi masyadong interesado ang publiko sa nalalapit na eleksiyon dahil na rin sa mga malalaking isyung kinakaharap ng bansa, tulad na lang ng pork barrel at mga kalamidad, bagyo at lindol.
Pinayuhan ni Brillantes ang publiko na makiisa sa barangay polls dahil mahalaga ito lalo na’t ang barangay, na itinuturing na lowest unit ng pamahalaan, ang nagiging pangunahing takbuhan ng mga mamamayan para sa mga nararanasang problema.