P32M tax case vs Jeane Napoles

MANILA, Philippines - Sinampahan na rin ng kasong tax evasion ng  Bureau of Internal Reve­nue sa Department of Jus­tice si Jeane Cathe­rine Napoles, ang anak ng tinaguriang P10 billion pork barrel queen na si Janet Lim-Napoles, dahil sa pagkabigong idek­lara ang kita para sa mga taong 2011 at 2012.

Umaabot anya sa P32.06 milyon ang tax lia­bility ni Jeane kasama na ang interes at surcharge.

Lumilitaw na naka­pag-acquire ng ilang ari-arian si Jeane kabilang ang biniling condomi­nium unit sa Los Angeles, California noong 2011 na nagkakahalaga ng P54.73 milyon.

Nakakuha rin umano ito ng 1.9 share sa Bayam­bang, Pangasinan pro­perty na binili noong 2012 sa halagang P1.49 milyon.

Bukod sa kawalan ng Income Tax Return (ITR), wala ring rekord si Jeane na nagsasabing tumanggap ito ng mamahaling ari-arian bilang regalo. 

Kamakailan, mainit na pinag-usapan sa social media ang mga litrato ng kotse, bag at iba pang gamit ni Jeane.

Nagmamay-ari rin umano ito ng isang unit sa Ritz-Carlton Residences na condominium hotel ng mga celebrity sa Amerika.

Una nang kinasuhan ng tax evasion ang mag-asawang Janet at Jaime Napoles. Posible pang madagdagan ang kaso ni Jeane at iba pang mi­yembro ng pamilya Napoles dahil patuloy ang imbestigasyon ng BIR.

 

Show comments