P41.7M multa ng 2 barko na nagbanggaan sa Cebu

MANILA, Philippines - Pinagmumulta ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng P41.7 milyon ang dalawang shipping firms na sangkot sa banggaan sa Cebu noong Agosto 16 .

Sa kanyang ulat kay DENR Secretary Ramon Paje, sinabi ni DENR Central Visayas Executive Director Isabelo Montejo na ang multa ay bilang parusa sa 2GO shipping, may-ari ng MV St. Thomas Aquinas 1 at Philippine Span Asia Carrier Corp., may-ari naman ng MV Sulpicio Express Siete dahil sa pagkasira ng may 328 ektaryang mangroves dulot ng insidente.

Sa banggaan na ito, may 116 katao ang nasawi at 22 ang patuloy na nawawala.

Ang insidente ay nagresulta rin ng pagtagas ng langis na umabot sa bayan ng Cordova na naging dahilan ng pagsasailalim sa state of calamity sa buong lalawigan.

Hanggang November 15 ang itinakdang palugit ng DENR upang mabayaran ng dalawang shipping company ang naturang halaga.

Bago ito, magpapatawag ang DENR ng technical conference sa mga representatives ng dalawang shipping company sa October  9, 2013 para pag-usapan ang tungkol dito.May kaukulang parusa umano ang ahensiya sa sinumang iisnab sa patawag ng DENR sa mga nabanggit.

Show comments