MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsagawa ng naval joint military war games ang Philippine Navy at counterpart nito sa Australian Navy na binansagang Exercise Triton Century 2013 na kasalukuyang ginaganap sa Australia.
Ito’y matapos ratipikahan ng Senado ang Status of Forces Visiting Forces Agreement (SOVFA) sa pagitan ng Pilipinas at Australia noong nakalipas na taon.
Sinabi ni Navy spokesman Lt. Commander Gregory Gerald Fabic, walong tauhan mula sa elite Navy Special Warfare Group ang tumulak sa Australia.
Ayon kay Fabic, ang naturang joint military exercise ay tatagal hanggang Oktubre 7.
Nabatid na sumakay ang mga Pinoy sailors sa HMAS Parramatta, isang Anzac class frigate ng Royal Australian Navy para lumahok sa ‘boarding activities’ at ‘cross train’ habang lulan ng Australian warship.
Ang SOVFA ay nilagdaan ng dalawang bansa noong Mayo 2007 pero niratipikahan ng Senado ang kasunduan bilang kahalintulad ng Visiting Forces Agreement ng Pilipinas sa Estados Unidos noong Hulyo na nagbigay daan sa maraming insidente ng joint military exercises kada taon.