MANILA, Philippines - Buhay pa si Moro National Liberation Front (MNLF) Commander Ustadz Habier Malik na namuno sa Zamboanga City siege noong Setyembre 9.
Ayon sa opisyal na tumangging magpabanggit ng pangalan, si Malik na nanguna sa may 300 MNLF fighters sa pag-okupa sa anim hanggang walong barangay sa lungsod ay nakitang tumatakbo patakas kasama ang 10 armadong tauhan sa bahagi ng Bgy. Sta Barbara at Bgy. Sta. Catalina noong Setyembre 30, dalawang araw matapos ideklara ng mga opisyal ng gobyerno na tapos na ang krisis sa lungsod.
Sinabi naman ng isa pang security officer na si Malik ay namonitor na nakabalik na sa Sulu matapos tumakas sa Zamboanga City lulan ng speedboat.
Sinasabing nagkaroon umano ng kasunduan ang isang opisyal ng gobyerno at si Nur Misuari na sinasabing nasa likod ng pag-atake upang matapos na ang siege sa lungsod kung hahayaang makatakas si Malik at ang mga kanang kamay nitong MNLF fighters.
Bukod kay Malik kabilang pa sa mga commander ng MNLF na nasangkot sa pag-atake sina Usong Uggong at Esmael Dasta; pawang mula sa Basilan; Enir Misuari at Salip Idjal na galing naman sa Zamboanga Sibugay. Sina Uggong at Idjal ay nagsisuko, nadakip si Enir habang napatay naman sina Dasta at Asamin Hussin.
Una na ring napaulat na napatay si Malik pero walang katiyakan ang mga opisyal dito sa pagsasabing posible ring nakatakas ito.