MANILA, Philippines - Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) Special 10th Division ang naunang desisyon nito na nag-aabswelto kay dating Palawan Governor Joel Reyes sa kaso ng pamamaslang sa brodkaster at environmentalist na si Gerry Ortega noong Enero 2011.
Una nang nilinis ang pangalan ni Reyes at kapatid nitong si Coron Mayor Mario Reyes nuong Nobyembre 2012 nang hindi kilalanin ng CA ang ikalawang panel na binuo ng Justice Department sa kaso.
Sa botong 3-2, ibinasura ng CA Special 10th Division ang motion for reconsideration na inihain ni Justice Secretary Leila de Lima laban sa naging ruÂling ng CA noong March 19 na nagpapawalang-bisa sa Department Order 710 ni de Lima para sa itinatag na second panel of prosecutors na nagsagawa ng ikalawang preliminary investigation laban sa kaso ng pagpaslang kay Ortega.
Sa rekomendasyon ng naturang panel, pinakakasuhan ang dating governor at kanyang kapatid na noon ay alkalde ng Coron bilang mga mastermind sa pagpaslang kay Doc Gerry.
Nilinaw ng dalawang CA division na nagkamali si de Lima nang itatag ang ikalawang lupon ng piskal nang hindi muna pinawawalang-bisa ang finding ng orihinal na panel of prosecutors, na nagpawalang-sala sa dating governor sa krimen.
Nanatili namang hindi natitigatig ang kampo ng pamilya Ortega dahil ang pagpapawalang-sala umano sa mga suspek ay bunsod lamang ng teknikalidad.
Si Reyes at kapatid na si Mario ay nanatiling nagtatago kasunod nang pagpapalabas ng warrant of arrest ng husgado para sa kanilang ikadarakip.
Ayon sa pamilya Ortega, kanilang iaakyat sa Korte Suprema ang usapin.