Sens. na tumanggap ng P50-M puwedeng kasuhan ng bribery

MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni Senator Miriam Defensor-Santiago na maaring kasuhan ng direct bri­bery ang mga senador na sinasabing tumanggap ng P50 milyong pondo matapos ang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.

Sinabi ni Santiago na  ang nasabing pondo na sinasabing ipinalabas sa ilalim ng Disbursement Allocation Program  (DAP) habang dinidinig o pagkatapos ng impeachment trial ay masasabing isang uri ng bribery sa ilalim ng Penal Code.

 Iginiit ni Santiago na sa ilalim ng Article 210 ng Penal Code puwedeng kasuhan ng direct bribery ang sinumang pampublikong opisyal na makikipag-kasundo na gumawa ng isang bagay kapalit ng regalo.

Tinawag pang “unjust judgement” ni Santiago ang ipinalabas na desisyon kay Corona.

Nauna ng inamin ni budget secretary Florencio Abad ang tungkol sa  karagdagang pork barrel ng mga senador sa ilalim ng DAP bagaman at mas malaki umano ang natanggap ng ibang senador katulad nina Senate President Franklin Drilon, P100 milyon; Senator Juan Ponce Enrile, P92 milyon; at Senator Francis Escudero, P96 milyon.

Show comments