Rep. Barzaga tumanggap din ng dagdag na pork barrel

MANILA, Philippines - Inamin ni Dasmariñas Congressman Elpido Barzaga na nakatanggap din siya ng dagdag na P10 milyon pork barrel mula sa Malacañang.

Sinabi ni Barzaga na nakatanggap siya ng Special Allotment Release Order (SARO) para sa nasabing halaga noong Disyembre 2012

Ang secretary umano ni Barzaga ang nagsabi sa kongresista na pinagsusumite ito ng request para sa P10 million additional allocation dahil mayroon umanong available na pondo ang Malacañang.

Subalit nang tanungin ang kongresista kung sino ang nagsabi sa kanyang sekretarya tungkol dito ay pinalagay na lamang umano niya ito na mula sa tanggapan ni Speaker Feliciano Belmonte.

Paliwanag naman ng kongresista na sa pamamagitan ng dagdag na pork barrel ay nakapagpagawa siya ng dalawang multi purpose hall sa dalawang subdibisyon sa kanyang nasasakupan sa Cavite.

Nilinaw din ni Barzaga na hindi maituturing na suhol sa mga kongresista ang ganitong pondo at walang imoral sa dagdag na pork barrel mula sa disbursement acceleration program.

Show comments