MANILA, Philippines - Nakahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na arestuhin si Moro National Liberation Front (MNLF) founder Nur Misuari kaugnay ng malagim na siege sa Zamboanga City.
Ito ang inihayag kahapon ni AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Ramon Zagala II kaugnay na rin ng hakbangin ng Justice Department na kasuhan din ng rebelyon si Misuari .
Sinabi ni Zagala na matapos ang pangangalap ng impormasyon at ebidensya laban kay MNLF Commander Habier Malik ay itutuon naman ng AFP ang konsentrasyon nito kay Nur Misuari.
Si Commander Malik ang namuno sa siege sa ilang coastal barangay sa Zamboanga City noong Setyembre 9.
Ayon pa kay Zagala, hindi kikilos ang limang Commanders ni Misuari para organisadong lumusob bitbit ang malalakas na kalibre ng armas sa Zamboanga City kung walang kautusan ng utak o ng kanilang pinunong si Misuari.
Idinagdag pa nito na ang mga lumusob na Commanders ni Misuari na naghasik ng kaguluhan matapos mang-hostage ng daang sibilyan ay mula sa mga lalawigan ng Sulu, Basilan at Zamboanga Sibugay.
Ang planadong pagsalakay ay isinagawa matapos magdeklara ng Independence si Misuari sa lalawigan ng Sulu noong nakalipas na buwan ng Agosto.