MANILA, Philippines - Sa halip na magpalabas ng sariling desisyon bilang lider ng Senado, hiniling na naman ni Senate President Franklin Drilon ang opinyon ng Ombudsman tungkol sa apela ni Senator Teofisto Guingona III na i-rekonsidera ang desisyon nito na huwag ipa-subpoena si Janet Lim Napoles upang hindi makaharap sa pagdinig ng SeÂnate Blue Ribbon Committee tungkol sa imbestigasyon ng pork barrel scam.
Muling ipinasa ni Drilon sa Ombudsman ang pagpapalabas ng desisyon kung dapat bang paharapin sa Senado si Napoles na itinuturong utak ng pork barrel scam kung saan nagawa nitong ilipat sa kanyang mga pekeng Non Government Organizations (NGO’s) ang Priority DeveÂlopment Assistance Fund (PDAF) ng ilang senador at congressmen.
Inihayag pa ni Drilon na ipinagpaliban niya ang pag-aksiyon sa kahilingan ni Guingona dahil na rin sa payo ng Ombudsman noong Setyembre 23 na hindi nararapat paharapin sa pagdinig si Napoles.
Iginiit ni Drilon na hindi dapat balewalain ang opinyon ng Ombudsman sa usapin ng pagpapatawag kay Napoles kahit wala pa namang naiisampang kaso sa Sandiganbayan.
Nauna ng sinabi ni Sen. Francis Escudero na wala pang karapatan ang Ombudsman kay Napoles dahil wala pa namang naiisampang kaso laban dito at sa halip ang korte sa Makati ang dapat magpasya kung papaharapin siya sa pagdinig o hindi.
Bagama’t sinampahan na ng reklamong plunder si Napoles sa Ombudsman kasama ang ilang senador sumasailalim pa rin umano ito sa imbestigasyon at saka pa lamang pormal na maghaharap ng reklamo sa Sandiganyan.