Gov. Ejercito hindi tinarget - Comelec

MANILA, Philippines - Nilinaw ng Commission on Elections na hindi nila tinarget si Laguna Governor Emilio Ramon (ER) Ejercito nang magdesisyong diskuwalipikahin ito sa May 13 midterm elections dahil sa overspending.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., naghain na rin sila ng election offense laban sa gobernador ng Antique na kaanib ng Liberal Party (LP).

“What singling out? We filed an election offense case against the governor of Antique. Ang partido nya, LP,” ani Brillantes.

Sinabi rin ni Comelec Spokesman James Jimenez na ang reklamo laban kay Ejercito ay isinampa ng kanyang katunggali na si LP bet Edgar San Luis, bago pa man matapos ang campaign period sa nakalipas na eleksiyon.

Natuklasan umano nila na gumastos si Ejercito ng P6 milyon sa TV ads pa lamang para sa pangangampanya gayung ang dapat niyang gastusin sa kanyang buong kampanya ay P4.5 milyon lamang.

May hawak rin umano silang mga ebidensiya na gumastos si Ejercito ng labis-labis sa halagang itinatakda para sa halalan.

Batay umano sa ulat ng PCIJ, ang campaign expenditure ni Ejercito ay lampas ng P19 milyon matapos na gumastos ng mahigit P23 milyon.

Nilinaw rin naman ni Jimenez na iniimbestigahan na ng Comelec ang iba pang halal na opisyal na nag-overspend sa nakalipas na eleksiyon.

May limang araw si Ejercito upang iapela ang desisyon ng Comelec at tiniyak ng gobernador na maghahain sila ng motion for reconsideration hinggil dito.

 

Show comments