Napoles gumamit ng mga pekeng resibo

MANILA, Philippines - Gumamit umano ng mga pekeng resibo si Janet Lim-Napoles, ang itinuturong mastermind sa paglilipat ng Priority Deve­lopment Assistance Fund (PDAF) ng ilang senador at congressmen sa mge pekeng non-government organizations.

Inihayag ni Marina Sula sa Senate Blue Ribbon Committee kahapon na mismong si Napoles ang nag-utos sa kanyang gumamit ng mga pekeng resibo para sa disbursement ng pondo ng 20 pekeng NGOs.

May mga pagkakataon din umanong ipinapangalan ni Napoles sa ibang tao ang mga properties na binibili nito.

Bukod kay Sula, iniharap din ni Justice Secretary Leila de Lima ang iba pang whistle blowers sa pangunguna ni Benhur Luy, Merlina Suñas, Gertrudes Luy, Arlene Baltazar at Monette Briones.

Ayon kay Sula, na naging personal finance officer at taga-ayos ng mga dokumento ni Napoles, siya ang naghahawak ng mga susi, titulo at mga dokumento ng mga ari-arian ng itinuturong utak sa pork barrel scam.

Inilista umano ni Sula sa isang notebook na ha­wak na ngayon ng Na­tional Bureau of Investigation ang mga ari-arian ni Napoles.

Si Sula bilang personal finance officer ni Napoles, ang nagbabayad ng real property tax para sa mga ari-arian nito, nagbukas ng accounts sa Land Bank of the Philippines at MetroBank branch sa Magdalena, Binondo, Manila.

Si Sula rin ang nagproseso ng mga documen­tary requirements noong 2000-2006 para sa NGOs ni Napoles na kinakailangan upang masabing may certi­ficate of good standing ang mga ito para makakuha ng mga proyekto sa gob­yerno.

 

Show comments