Pamangkin ni Misuari, 35 pa sumuko

MANILA, Philippines - Sumuko sa gutom ang pamangkin ni Nur Misuari at 35 pang Moro National Liberation Front (MNLF) sa patuloy na bakbakan sa Zamboanga City kahapon.

Kinumpirma rin ni Lt. Col. Harold Cabunoc, Commander ng 7th Civil Relations Group (CRG) ng AFP, ang pagbubuwis ng buhay ng isang sundalo, dalawang pulis at apat na tauhan ng MNLF sa Brgy. Sta. Barbara, Zamboanga City sa isinagawang rescue mission na nagresulta sa pagkakaligtas ng anim na hostages. 

Sa hiwalay na paha­yag, sinabi naman ni DILG Secretary Mar Roxas na kabilang sa MNLF na napasakamay ng tropa ng pamahalaan kahapon ay si Enir Misuari.

Isinurender din ng mga sumukong MNLF ang 23 matataas na kalibre ng armas na wala ng mga bala.

Tinatayang lima hang­gang 10 na lamang ang hostages ng grupo ni MNLF Commander Habier Malik na nagmamatigas pa ring sumuko.

Sinabi ni Cabunoc na nasa 14 na ang nasawi sa AFP at lima sa PNP.

Nasa 110 MNLF ang napatay, 89 ang su­murender at 129 ang naaresto. Nasa 12 sibil­yan ang nasawi habang 51 ang sugatan.

 

Show comments