P50M kada senador sa ‘Corona impeach’

MANILA, Philippines - Mistulang sinunog kahapon ni Senator Jinggoy Estrada ang buong Senado at nilaglag ang kapwa mga senador matapos nitong ibunyag na lahat ng mga senador na humatol ng pabor sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona ay nakatanggap ng tig-P50 milyon kabilang na siya.

Sa mahigit isang oras na talumpati ni Estrada na may pamagat na “The Untold PDAF Story that the People Should Know,” isiniwalat nito na matapos ang conviction ni Corona noong 2012, may inilabas na pondo ang Senate Committee on Finance na pinamumunuan noon ni Senate President Franklin Drilon para sa mga bumoto na pabor upang mapatalsik sa puwesto ang dating chief justice.

Ipinakita pa ni Estrada ang kopya ng “private and confidential letter memo” ni Drilon kung saan nakapaloob ang pagpapalabas ng pondo.

“Hahayaan ko na ang taong bayan ang gumawa ng konklusyon kung ito ay totoo o hindi, pero ito ang aking maidadagdag sa kwento --- after the conviction of the former chief justice, those who voted to convict were allotted an additional 50 million pesos as provided in a private and confidential letter memorandum of the then chair of the senate finance committee,” sabi ni Estrada sa kanyang talumpati.

Partikular na kinuwestiyon ni Estrada si Budget Sec. Florencio Abad kung saan nanggaling ang pondong ipinamudmod sa mga senador.

“Saan galing ang pinamigay na pondo? I am sure alam ni Secretary Abad ang sagot sa tanong na ito. At sigurado rin ako na hindi unilateral decision ni Senate President Drilon ang pamimigay ng 50 million pesos kada senador,” sabi ni Estrada.

Pero pinaninindigan ni Estrada ang kanyang desisyon na pagboto ng pabor sa conviction ni Corona at hind siya naimpluwensiyahan ng incentive na ipinamigay sa kanila matapos ang botohan.           

Nagbigay ng talumpati si Estrada matapos makaladlad ang kanyang pangalan sa P10 bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) kasama sina Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.

Unang binanatan ni Estrada ang Department of Budget and Management, Commission on Audit, Senate Blue Ribbon committee at media na mistulang nagkaroon umano ng “concerted effort” para tirahin silang tatlo na nadadawit sa pork barrel scam.

Kinuwestiyon ni Estrada kung bakit na-singled out sila at paulit-ulit na binabanggit ang pangalan gayong kung tutuusin ay marami namang sangkot na indibiduwal

Binanatan din ni Estrada ang mga kasamahan sa Senado na humatol na kaagad sa kanila. 

Selective investigation

Naniniwala si Estrada na “selective” ang imbestigasyon ng komite dahil nilimitahan lamang ito sa 8 NGOs na iniuugnay kay Janet Lim-Napoles gayong 82 ang foundations na sangkot sa COA report.

Ayon umano sa COA report mayroong P1.2 billion LGU transactions na pinondohan ng PDAF pero hindi nag-comply sa procurement law. Ilan sa mga pinanggalingan umano ng P1.2 billion na ito ay galing sa PDAF nina Senators Miriam Defensor-Santiago, Alan Peter Cayetano, dating Senators Francis “Kiko” Pangilinan, at Manny Villar.

Binanatan din ng senador si Mandaluyong Rep. Neptali “Boyet” Gonzales Jr., na kaalyado ng administrasyon.

“Si Congressman Gonzales ay mahigit anim na taon ng nanunungkulan bilang congressman kaya’t masasabing sa loob ng mga taong ito, nagkaroon na siya ng minimum na P420 milyon na PDAF allocation,” ani Estrada.

Kung susuriin umano ang COA report, makikitang sa sariling distrito inilagay ni Gonzales ang halos lahat ng kanyang PDAF pero ayon umano sa report itinatanggi ng mga suppliers na nagkaroon sila ng 167 transaksiyon sa Mandaluyong.

Binanggit din ni Estrada ang COA report na nagsasabing may P6 milyong halaga ng pagkain sa Jollibee ang pinondohan ng PDAF ni Gonzales.

Maging ang ka-tandem umano ni Gonzales na si Anwaray partylist Rep. Florencio “Bem”  Noel ay kuwestiyonable rin umano ang paggastos sa kanyang PDAF dahil milyon-milyong piso ng pondo nito ay inilagay sa Mandaluyong at hindi sa Leyte, Samar at Biliran kung saan naka-base ang partylist.

 

Show comments