Opisyal ng Army, 3 MNLF panibagong casualty sa gulo sa Zambo

MANILA, Philippines - Isang opisyal ng Philippine Army at tatlong Moro National Liberation Front (MNLF) ang nadagdag sa lumolobong death toll sa nagaganap na bakbakan sa Zamboanga City.

Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, inianunsyo ni AFP Spokesman Brig. Gen. Domingo Tutaan ang pagkamatay ni Lt. Florencio Mikael Meneses, 27, mi­yembro ng PMA Class 2011 na nakatalaga sa 7th Scout Ranger Company at tatlong MNLF.

Si Meneses ay isang binata, tubong Pulilan, Bulacan ay binawian ng buhay dakong alas-4:40 ng madaling araw nitong Lunes. Ang batang opisyal ay nagsasagawa ng clearing operations ng tamaan ng bala na pinawalan ng sniper ng rogue MNLF.

Nitong Setyembre 19 ay una nang nasawi si Lt. Kristopher John Rama, ng PMA Class 2008 sa clea­ring  operations.

Sinabi pa ng AFP Spokesman na nasa 50 rogue MNLF fighters ang kasalukuyang pang nagtatago sa lugar na may hawak pang 20 hostages.

Show comments