Army junior officer patay sa bakbakan
MANILA, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang isang elite junior officer ng Philippine Army sa ika-11 araw ng madugong labanan sa Zamboanga City kahapon.
Sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Domingo Tutaan Jr., muling sumiklab ang bakbakan dakong alas-6 ng umaga sa Brgy. Sta. Barbara na ikinasawi ni 1st Lt. John Kristopher Rama, 30 anyos, produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Class 2008 at tubong Norzagaray, Bulacan.
Tatlong kasamahan nitong sundalo ang sugatan habang walo sa panig ng MNLF ang napatay.
“As far as that thing is concerned, this is again a manifestation of a member of the Armed Forces of the Philippines giving up their lives for this purpose, it is a supreme sacrifice,†malungkot na ulat ni Tutaan.
Si Rama, isang US trained, miyembro ng 1st Light Reaction Company at assault team leader ng tropa ng mga sundalo ay nagsasagawa ng clearing operation dakong alas-6 ng umaga nitong Huwebes sa Brgy. Sta. Barbara ng masapul ng tama ng bala sa baba sa palitan ng putok. Dahil dito ay umaabot na sa 116 ang nasawi at 196 ang sugatan.
Samantala, 15 pang MNLF ang sumurender nitong Huwebes ng umaga habang nasa 20 na lamang ang hostage ng grupo ni MNLF Commander Habier Malik.
May 226 evacuees naman na nagsitakas lulan ng 11 bangka habang umuulan ng bala ang nasagip ng barko ng Philippine Navy sa karagatan ng Arena Blanco at Tictabon Island sa lungsod kamakalawa ng gabi.
- Latest