Freeze order vs ‘pork’ solons

MANILA, Philippines - Hihingin ng Department of Justice (DOJ) ang tulong ng Anti Money Laundering Council (AMLC) upang hilingin sa korte na magpalabas ng freeze order laban sa assets ng mga indibidwal na kinasuhan sa pork barrel fund scam.

Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, matapos maisampa ang kaso sa tanggapan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, ang haharapin naman ngayon ng ahensiya ay ang pagpigil sa assets ng mga sangkot sa kontrobersya.

Kabilang sa mga kinasuhan ng plunder sina Sens. Jinggoy Estrada, Bong Revilla at Juan Ponce Revilla at dalawang dating congressmen na sina Rizalina Sechon-Lanete at Edgar Valdez, na pawang tumanggap ng mahigit na 50 milyon at maraming iba pa.

Pasok naman sa kasong malversation of public funds  at direct bribery sina dating Rep. Rodolfo Plaza, Rep. Samuel Dang­wa at Rep. Constantino Jaraula dahil mababa sa 50 milyon ang nakomis­yon.

Sa rekord ng NBI na sa tatlong senador pa lamang ay nasa 581 milyon na ang nakuha nilang komisyon. 

Ilalagay na rin sa lookout bulletin ng Bureau of Immigration ang mga kinasuhan, habang ipauubaya naman sa Ombudsman kung magpapalabas ng hold departure order.

Samantala, tiniyak kahapon ni Morales na hindi aabutin ng isang taon ang pagpapalabas ng desisyon kaugnay sa unang batch ng mga kinasuhan ng plunder.

Sinabi ni Morales na sisiguraduhin nila na hindi lalampas sa isang taon ang pagpapalabas ng resolusyon at malalaman kung sino-sino ang masasampahan ng kaso sa Sandiganbayan.

Dahil gagawing “batch by batch” ang pagsasampa ng kaso ng DOJ, sinabi ni Morales na batch by batch din ang gagawin nilang pagsasampa ng kaso.

 

Show comments