MANILA, Philippines - Sinopla kahapon ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang posisyon ni Senate President Franklin Drilon kaugnay sa hindi pag-suspinde sa mga miyembro ng Senado na sinampahan ng kaso sa ilalim ng 1991 Anti-Plunder Act.
Kinontra ni Santiago ang pahayag ni Drilon na hindi agad masususpinde ang sinumang senador o congressmen lalo pa’t Kongreso lamang ang puwedeng mag-suspinde sa mga miyembro nito.
Ayon kay Santiago, ang sino mang mambabatas na kinasuhan ng plunder ay dapat masuspinde habang naghihintay ng trial.
Nauna rito, sinabi rin ni Drilon na maari lamang ma-suspinde ang isang senador na mahaharap sa kasong plunder sa sandaling mahatulan ito.
Pero sinabi ni Santiago na ang probisyon na sinasabi ni Drilon ay wala sa Konstitusyon kundi nasa Senate Rules lamang.