DA binatikos ng Solon Datos sa bigas dinoktor

MANILA, Philippines -  Binatikos muli ng isang mambabatas ang Department of Agriculture dahil sa umano’y tila pagbabalak nitong duktorin ang mga datos hinggil sa suplay ng bigas sa bansa.

Sinabi ni Magdalo Partylist Rep.  Gary Alejano na ito ang lumalabas na bagong istratehiya ng DA upang maabot ang itinakda nitong rice self-sufficiency target.

Tumaas ang tension sa isang pagdinig ng House of Representatives Committee on Agriculture at ng Special Committee on Food Security kamakailan nang malaman ng mga kongresista ang balak ng DA na  i-”recalibrate” at babaan ang target sa produksyon ng bigas ngayong taong ito upang maituring lamang na “self-sufficient” na sa bigas ang bansa. Ito ay upang isaalang-alang ang mga “bali-balita” na ang kinukonsumo ng bawat isang indibidwal o per capita consumption ng bigas sa bansa ay bumaba sa taunang 115 mula 119 kilo kada tao.

“Per Capita na naman ngayon ang dahilan. Iyan ang problema sa gusto ninyo (DA at NFA). Ang gusto ninyo, parang huwag tayong kumain ng bigas para tayo maging self-sufficient! Parang ‘yun ang gusto ninyo e,” naiinis na sinabi ni Alejano sa hepe ng DA-Bureau of Agricultural Statistics (BAS) na si Assistant Secretary Romeo Recide.

Naibunyag din ng nasabing ahensya na kulang na ang imbentaryo ng bigas na hawak ng NFA nang 500,000 MT upang tugunan ang pangangailangan ng bansa hanggang matapos ang taong kasalukuyan.

Matapos ang masinsinang paggisa ng mga mambabatas, ibinulalas ni Recide na pinag-aaralan ngayon ng DA kung maaaring magsagawa ng pagbabago o “recalibration” sa rice self-sufficiency target ng ahensya.

Sinabi pa ni Recide na “one of the factors that is being looked at” (isa sa mga isinasaalang-alang) ng ahensya sa pagbabago “to ease up” o bigyang-kaluwagan ang target ng ahensya  ay ang bagong pagtaya sa per capita consumption na bumaba umano sa 114 hanggang 115 kilo mula sa dating 119 kilo kada tao.

 

Show comments