MANILA, Philippines - Pinagkalooban ng QC court ng danyos na P1.1 milyon si Esabella Cabrera, ang Mutya ng Pilipinas beauty pageant winner na tinanggalan ng korona may 16 taon na ang nakakaraan.
Kahapon ay inatasan ni QCRTC branch 221 Judge Ma. Rita Sarabia ang Miss Asia Pacific Quest Inc., organizer ng pageant at ang dating Presidente nitong si Leandro Enriquez; Carousel Productions Inc. at dating president Ramon Monzon; Lorraine Schuck gayundin si 1997 Mutya ng Pilipinas first runner-up Sheryll Moraga na bayaran si Cabrera.
Isinama si Moraga sa pinagbabayad ng korte dahil ito ang umako sa premyo at titulo ni Cabrera noon makaraang matanggalan ng korona.
Binigyang diin ni Judge Sarabia na natanggalan ng korona si Cabrera ng walang kaukulang due process.
Sa record ng korte, si Cabrera ay nakoronahan bilang 1997 Mutya ng Pilipinas sa Folk Arts Theater noong May 3, 1997 at nabigyan ng premyong mahigit sa P400,000 kasama na rito ang mga offers ng commercial modeling contracts para sa dalawang cosmetics at beauty product companies.
Sinasabing natanggalan ng korona si Cabrera nang sabihin umano sa kanya ni Schuck na nakausap nito ang tatay ng kasintahan ng una na ikakasal na ito kayat mawawala na ang titulo nito.
Bagamat hindi anya totoo ang bintang ay pinilit umano siya ni Schuck na magresign at bitiwan ang titulo dahil pinaghinalaan siyang buntis at dahil dito ay hindi na raw nito umano magagampanan ang responsibilidad bilang isang title holder.
Ilang linggo pa ay nabasa umano niya sa diyarÂyo na siya ay tinanggalan ng korona at ipapalit dito si Moraga na siyang first runner up sa pageant.