MANILA, Philippines - Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang constitutionality ng Executive Order Number 2 ni Pangulong Aquino na nagbabasura sa sinasabing mga midnight appointments ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Batay sa 23-pahinang desisyon na may petsang Agosto 28, 2013 na sinulat ni Associate Justice Noel Tijam, ibinasura ng CA former 8th Division ang petisyong inihain ng mga intervenor na sina Irma Villanueva at Francisca Rosquita na humihiling sa korte na ideklarang null and void ang EO 2.
Ayon sa CA, ang kontrobersyal na kautusan ay isang valid exercise o legal na pagganap ng executive powers ng PaÂngulo na nais makatiyak na maayos na naipapatupad ang batas kontra sa midnight appointment.
Napag-alaman na noong Marso 3, 2010, itinalaga ni Mrs. Arroyo si Villanueva bilang administrator para sa Visayas ng Cooperative Development Authority sa Department of Finance. Si Villanueva ay nanumpa sa puwesto noong April 13, 2010.
Habang si Rosquita naman ay itinalaga bilang commissioner ng National Commission on Indigenous People noong March 5, 2010 at nanumpa siya sa puwesto noong March 18, 2010.
Bagama’t tinukoy sa Civil Service Commission na hindi sakop ng midnight appointment ang pagtalaga kina Villanueva at Rosquita kahit sila ay nanumpa matapos ang March 10, 2010 kung kailan nagsimula ang appointment ban, tinukoy ng CA na taliwas ito sa itinatakda ng Section 15, Article 7 ng 1987 Constitution.