Pagtaas ng presyo ng bigas bubusisiin na rin ni Villar

MANILA, Philippines - Maging si Senator Cynthia Villar, chairperson ng Senate committee on agriculture, ay nais na ring paimbestigahan sa Senado ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas.

“We will call for an investigation into the increase in cost of rice anytime next week,” ani Villar.

Sinabi pa niya na sisiyasatin din ng kanyang komite ang malaganap na smuggling ng bigas at sibuyas at ang napaulat na pagtatago (hoarding) ng bigas ng ilang grupo.

Aniya, ang isasagawang pagsisiyasat ng kanyang komite ay kaugnay ng Senate Resolution 233 na inihain ni Senator Loren Legarda na naglalayong malaman ang kasaluku­yang kalagayan ng supply ng bigas sa bansa.

Sa kanyang resolus­yon, sinabi ni Legarda na ang pagtaas ng halaga ng bigas ay nangangahulugan na maaaring kulang ang supply nito sa merkado o mayroon mga puwersang kumokontrol sa presyo nito.   

Dahil ang bigas ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino, iginiit ni Villar na dapat na palagi itong naririyan para sa atin bukod sa presyong abot kaya ng lahat lalo na yaong mahihirap nating kababayan.

Aalamin din sa pagbusisi ng Senado ang mga salik sa naka-aalarmang pagtaas ng presyo ng bigas at kung papaano ito maiiwasan.

Binanggit niya ang pangangailangang ba­langkasin ang mga umiiral na polisiya at programa ng pamahalaan sa pagkakaron ng sapat na supply ng bigas.

Ayon sa Department of Agriculture, ang pagtaas ng presyo ng bigas ay bunga ng pansamantalang kakulangan dahil sa pag-iimbak ng bigas ng ilang rice millers at rice traders.

Idinagdag pa ni Villar na sisiyasatin din nila ang smuggling ng bigas at sibuyas.

Show comments