House pasok sa rice scam

MANILA, Philippines - Pormal nang inihain sa Kamara ang isang reso­ lusyon na naglalayong ung­katin ang tunay na sitwasyon ng suplay ng bigas sa bansa matapos sumambulat kamakailan ang umano’y malawakang korapsyon sa Department of Agriculture (DA) at ang  importasyon ng “overpriced” na bigas ng National Food Authority (NFA).

Sa House resolution 261 ni Abakada Rep. Jonathan dela Cruz, nais nitong magpaliwanag ang DA at NFA kaugnay sa umanoy kakulangan ng bigas sa bansa kasabay ng pagsirit ng presyo nito sa merkado dahil tila nililinlang umano ng DA at NFA ang taumbayan at maging ang Pangulong Aquino na napaniwala nilang bas­tante ang suplay ng bigas sa bansa.

Ayon kay dela Cruz, mas lalo pang tumindi ang pangangailangan na isagawa ang nasabing imbestigasyon matapos lumabas noong isang linggo­ ang isang exposé na ang pinakahuling importasyon ng NFA ng 205,700 metriko tonelada (MT) ng bigas ay “overpriced’ o may iligal na patong na nagkakahalaga ng P457 million.

“These government agencies (DA at NFA)  have a lot of explaining to do,” ani dela Cruz.

Base anya sa tala, inireport ng NFA na nag-import sila ng 187,000 MT, subalit lumalabas umano na mayroon pang karagdagang 18,700 metric tons ng walang “prior approval” ng Department of Finance.

Sabi pa ni dela Cruz, matapos ang isang pagsusuri sa Oryza Global Rice price index, lumalabas na overpriced umano ang nasabing transaksyon ng halagang P2,150 bawat MT o P457 million para sa buong transaksyon.

Dapat umanong masiyasat agad ang Kamara dahil nakatakda na namang mag-angkat ng 700,000 MT ng bigas sa Nobyembre sa kabila na sinabi ng ahensiya na rice self-sufficient ang bansa.

“This is of huge signi­ficance to the country and to our constituents in the education sector. By Gawad Pinoy’s computations, should the November importations push through, the amount of stolen public funds could reach up to P2 billion. That’s enough to hire 437 new teachers, build 125 new classrooms, buy 6352 school desks and chairs,” dagdag ng mambabatas.

Show comments