DA tumatabo sa ‘bawang scandal’

MANILA, Philippines - Daan-daang milyong piso daw ang naibubulsa mula sa mga umano’y transaksiyon ng bawang sa Department of Agriculture (DA).

Sa pagsisiwalat ng volunteer counsel ng Vo­lunteers Against Crime and Corruption na si Atty. Ariel Genaro G. Jawid, “meron umanong sariling in-house version ni Janet Lim Napoles sa katauhan ng isang Leah Cruz - na nakikinabang mula sa di-makatarungang mga transaksyon kasama ang Bureau of Plant Industry na nagkakahalaga ng dalawandaang milyong piso sa nakalipas na taon. Walang pinagkaiba sa mga pekeng NGO ni Janet Napoles, ang mga kumpanyang pag-aari ni Leah Cruz ay nakapa­ngalan sa kanyang mga driver, katulong at mga empleyado,” pahayag ni Jawid. 

Ayon sa abogado, tanging ang mga kumpan­yang ito ang naambunan ng mga revalidated importation permits na inisyu ng BPI, attached agency ng DA, at nabiyayaan ng pagkakataong umangkat ng mga agricultural products mula sa ibang bansa si­mula noong kalagitnaan ng 2012 hanggang ngayon.

Sinabi ni Jawid na isang Memorandum ang inilabas umano ng BPI noong Abril 20, 2013 na nais nilang buhayin ang industriya ng bawang sa bansa alinsunod sa ibinalangkas na Garlic Industry Development road Map. Ngunit hindi pa man nakararating sa mga patutunguhang ahensya, opisyal at kawani ng pamahalaan ang nasabing Memorandum ay bigla umano nitong inatras ang nasabing instrumento dahil diumano sa hablang inihain laban dito.

Ayon pa dito, matapos iatras ang ban sa importas­yon ng bawang ay umalagwa na umano ang mga kumpanya ni Cruz at tanging sila lamang daw ang nabiya­yaang makapagpalusot ng barku-barkong inangkat na bawang dahil sa rebalidasyon ng kanilang Importation Permits.

Sa pagtaya ni Atty. Jawid, umaabot na umano sa P192 milyon ang “kinikita” ni Cruz sa importasyon ng bawang.

 

Show comments