Onion Growers nagpasaklolo kay PNoy

MANILA, Philippines - Mismong kay Pangulong Aquino na lalapit ang mga onion at garlic growers dahil umano sa patuloy na pagpasok ng mga smuggled na sibuyas at bawang sa bansa.

Sa pulong na ipinatawag ng pangulo ng Sibuyas ng Pilipino Ating Alagaan (sipag) na si Francisco U. Collado sa Pasig na dinaluhan ng mahigit 100 magsasaka at onion growers, hiniling nito na ipatigil na ni PNoy sa Department of Agriculture (DA) ang pagbibigay ng import permit sa isang grupo na anila’y sindikato lang naman daw.

“Ang pagbaha ng im­ported na sibuyas at bawang sa bansa ay pu­mapatay sa aming kabuhayan dahil bagsak ang presyo ng mga sibuyas at bawang galing China at Vietnam o karatig bansa,” paliwanag ni Collado.

Una nang napaulat na isang tao lamang umano ang nabibigyan ng import permit (IP) ng Bureau of Plants Industry (BPI) at DA para sa sibuyas at bawang na daan-daang container kung ipasok sa bansa kada buwan.

Matagal na raw inireklamo ng grupo kay Sec. Proceso Alcala ang problemang ito pero bigong aksyunan.

“Kaya kay Pangulong Aquino na namin dadalhin ang isyung ito dahil tiyak na kikilos ito para na rin sa kapakanan naming maliliit”, dagdag pa ni Collado.

 

 

Show comments