Marine general na nag-post sa FB vs ‘pork’ hindi parurusahan - AFP

MANILA, Philippines - Hindi parurusahan ng Armed Forces of the Philippines si 1st Marine Brigade Commander Brig. Gen. Alexander Balutan  matapos itong mag-post ng sentimyento laban sa P10 bilyong pork scam sa kaniyang Facebook account.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Ramon Zagala II, pribado ang Facebook account ni Balutan na ang mensahe ay para lamang sa kaniyang malalapit na kaibigan.

“It is not meant for circulation or to be published, it is (his) personal sentiment and it was taken out without his permission,” pahayag ni Zagala matapos na magpaliwanag na si Balutan sa insidente.

Nilinaw rin ni Zagala na walang katotohanan ang kumalat na ulat na sinibak na sa puwesto si Balutan bunga ng insidente.

Una na ring nilinaw ni Balutan na hindi siya nagtatawag ng rebelyon manapa’y nanlulumo lamang sa pagkakabulgar ng P10 bilyong pork barrel scam na dapat ay nagamit na lamang sa pagresolba ng problema sa peace and order sa Mindanao.

 

Show comments