MANILA, Philippines - Pagdedesisyunan pa ng mga senador kung ano ang gagawin sa bahagi ng P25 bilyon pork barrel funds na nakalaan para sa Senado na nakapaloob na sa panukalang P2.268 trilyon national budget para sa 2014.
Ayon kay Sen. Chiz Escudero, pagbobotohan pa ng mga senador kung saan dapat ilagay ang pondo at posibleng ibawas na rin ito ng tuluyan sa pambansang budget para sa 2014. Pero inihayag din nito na puwedeng ipalabas na rin ang pork barrel sa mga senador bagaman at kailangang linisin at tanggalin ang mga inirereklamong probisyon.
Kung si Escudero umano ang masusunod paninindigan niya ang kanyang inihaing resoÂlusyon na tuluyan ng tanggalin ang nasabing pondo.
Nauna ng inihayag ni Budget Secretary Florencio Abad noong Biyernes na hindi na tatanggalin ang nasabing pondo sa panukalang P2.268 trilyon national budget.
Idinagdag din ni Abad na maaring ilaan sa edukasyon, health at employment generation, at local infrastructure ang nasabing pondo.
Sa ngayon anya ay hindi muna gagalawin ng mga senador ang natitirang pork funds para sa 2013 hangga’t hindi pa naglalabas ng panibagong panuntunan ang Malacañang.
Pag-uusapan din ng Senado, Kamara at Department of Budget and Management (DBM) ang magiging limit ng mga kongresista at senador sa kanilang irerekomendang mga proyekto sa ilalim ng 2014 budget.
Sa lumang sistema ay mayroong P70 milyong pork barrel ang mga kongresista at P200 milyon naman ang mga senador kada taon para sa kanilang PDAF.