No sacred cows sa ‘pork’ probe

MANILA, Philippines - Tiniyak ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na kakasuhan ng kanyang tanggapan ang sinumang mambabatas na mapapatuna­yang sangkot sa pork barrel scam kaalyado man ito o hindi ni Pangulong Noynoy Aquino.

Sa isang press conference, sinabi ni Morales na magiging patas ang gagawin nilang pagbusisi sa naturang scam maging sinuman ito o kung gaano kalakas sa gobyerno.

Pinabulaanan naman ni Morales ang mga alegasyong ginagamit lamang ang kanilang tanggapan para habulin ang mga nasa hanay ng oposisyon at isalba ang mga kaalyado ng Aquino administration kaugnay ng pork barrel scam.

Binigyang diin ni Morales na objective ang kanilang trabaho sa kahit anumang isyu at wala silang pinangingilagan sa mga iimbestigahan at sasampahan ng kaso.

Nilinaw din nitong hindi maituturing na ebidensya ang inilabas na Commission on Audit kaya hindi pa sila makapagsampa agad ng kaso.

Sa ngayon anya may isang kuwarto ang hawak na ebidensiya ng COA kayat binibigyan ng pagkakataon na mabusisi ng husto ang kanilang ebidensiya.

Tiniyak din ni Morales na may mga makakasuhan kaugnay ng kontro­bersiyal na isyu at hindi mauuwi sa wala ang ginagawang pagbusisi sa kaso.

Anya, nag-comply na rin ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa mga kailangang dokumento kaugnay ng kaso. 

Matatandaan na ina­­tasan ni Pangulong Aquino ang Inter-agency Anti-Graft Coordinating Council na binubuo ng DOJ, COA at Ombudsman para imbestigahan ang anomalya sa pork barrel na kinasangkutan ni Janet Lim-Napoles.

Saklaw umano ng imbestigasyon ang paggamit ng pondo noong 2007 hanggang 2009.

Show comments