MANILA, Philippines - Upang maiwasan ang pagkalat ng mga nakakahawang sakit tulad ng tuberculosis o TB, isinusulong ng isang mambabatas na gawing krimen ang pagdura sa mga pampublikong lugar.
Umaasa si AVE party list Rep. Eulogio “Amang†Magsaysay na sa pamamagitan ng House Bill 299 o Anti-Spitting Act of 2013, ay makakatulong ito para maipamahagi ang kaalaman tungkol sa masamang dulot nang pagdura kung saan-saan at upang mabago na rin ang nakagawian ng ibang tao.
Paliwanag ng mamÂbabatas, dala na rin sa global pandemics tulad ng SARS, bird flu at iba pang nakahahawa at airborne diseases, ay kailaÂngang matigil na ang ugali ng ilan na pagdura.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang sinuman na magdura ng kanilang laway o plema sa mga pampublikong lugar tulad ng kalsada, pasilyo, sidewalks, parks, malls, palengke, public carriers, public halls, buildings, banks, public squares, terÂminals, shopping and business centers, schools, churches, hospitals at iba pang kahalintulad na lugar.
Ang sinumang mahuhuling nagdudura kung saan-saan ay pagmumultahin ng P500 sa unang opensa, P1,000 sa ikalawa at P2,000 at pagdalo sa health seminar na gagawin ng Department of Health kasama ang local health units o pagkakakulong ng 6 na buwan sa ikatlo at susunod pang opensa.
Niliwanag ni Magsaysay na inihain niya ang panukala dahil ang pagdura ay isa sa may sanhi o factors sa pagkalat ng TB, na kahit nagagamot ay nasa ika-6 sa nangungunang sanhi nang pagkamatay sa Pilipinas.
Base sa datos, ang bilang ng namamatay sa TB ay nasa average na 75 Pilipino kada araw.