MANILA, Philippines - Ikinokonsidera ng Department of Justice ang pagÂlalagay kay Janet Lim-Napoles sa Red Notice List ng Interpol.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, ang kanilang desisyon ay bunsod na rin ng patuloy na paghahanap ng mga otoridad kay Napoles na ipinaaresto ng Makati Regional Trial Court dahil sa kasong serious illegal detention.
Sa oras na mailagay na ang isang akusado sa nasabing listahan, maaabisuhan ang may 190 bansang kasapi ng Interpol o International Criminal Police Organization na siya ay pinaghahanap sa Pilipinas.
Gayunman, naniniwala si de Lima na wala pang indikasyon na nakalabas na ng bansa si Napoles.
Posible umanong mahirapan ang negosyante na makapuslit sa ibang bansa dahil nakansela na ng Deparment of Foreign Affairs ang kanyang pasaporte.