39 na patay, 80 pa missing Oil spill sa Cebu

Patuloy na sinusuyod ng mga diver ng Philippine Coast Guard ang karagatan ng Cebu sa kanilang search & rescue operation sa may 80 pang nawawalang pasahero ng lumubog na M/V Saint Thomas Aquiñas. (AP)

MANILA, Philippines - Binabantayan nga­yon ang nasa 11 coastal barangay na umano’y apektado ng oil spill dahil sa nagbanggaang M/V St. Thomas Aquiñas at Sulpicio Express 7, sa Lawis Ledge, Talisay, Cebu nitong Biyernes ng gabi.

Sinabi ni Philippine Coast Guard spokesman Lt. Cmdr. Armand Balilo na aalamin ng BFAR-Region 7 teams ang lawak ng pinsala at ilan ang mga ma­ngingisdang apektado, para matukoy din ang bibigyan ng ayuda dahil sa dulot na pinsala ng pagtagas ng langis.

Unang nakumpirmang apektado ang kilalang Mangrove farm sa Cordova, Cebu kung saan nakitang itim na itim ang mga puno at dahon nito dahil nababalot ng itim na langis.

Nagsasagawa na r­in ang PCG ng chemical dispersal sa pangu­nguna ni PCG Central Visayas Commander Commodore William Melad.

May gagamiting special chemical na magbi-break down sa oil composition upang mabawasan ang mala­king pinsala sa kalikasan.

Isusunod na rin a­niya nila ang pagtugon sa paglilinis sa mga baybayin ng Cordova na pinaka naapektuhan subalit hindi umano kayang lagyan ng oil spill boom ang mismong pinaglubugan ng barko dahil sa malala­king alon.

Kaugnay nito, pumalo na sa 39 ang kumpirmadong patay, 751 ang naisalba at 80 pa ang patuloy na pinag­hahanap na sakay ng M/V St. Tomas Aquinas.

Sinabi ni Balilo na patuloy pa ang pagsisid ng technical divers ng pamahalaan at mga volunteer divers.

Batay sa Master’s Declaration of Safe Departure (MDSD), nasa 664 ang pasaherong matatanda; 28 ang mga bata; 23 ang sanggol habang nasa 116 ang crew na may kabuuang 831.

Inihayag na rin ni Balilo na grounded o hindi papayagang maglayag pa ang may 16 na barko ng Philippine Span Asia Carrier Corp. (dating Sulpicio Lines) na may-ari ng sangkot na M/V Sulpicio Express 7 at ang 8 barko ng 2GO (dating Negros Navigation) na may-ari naman ng MV Saint Thomas Aquinas hanggat hindi pa natatapos ang safety inspection at imbestigasyon. 

Kahapon ay pansamantalang itinigil ang search and rescue dahil sa masamang panahon.

Show comments