Ospital para sa OFWs isinulong

MANILA, Philippines - Nais ni Senator Lito Lapid na magkaroon ng sariling ospital ang mga overseas Filipino workers at kanilang mga dependents upang matiyak na mabibigyan sila ng prayoridad tuwing nagkakasakit.

Sa Senate Bill 1080 na tatawaging “OFW Hospital Act of 2013” na inihain ni Lapid, sinabi nito na panahon na para magpagawa ang gobyerno ng ospital para sa mga OFWs.

Nakatakda aniya sa Migrant Workers and Overseas Filipinos Act na dapat maging polisiya ng gobyerno ang pagbibigay ng “full protection” sa mga manggagawa kabilang na ang mga nagta-trabaho sa ibang bansa.

Ipinunto pa ni Lapid na base sa statistics, 42% ng mga OFWs na napapabalik sa bansa ay nangangailangan ng atensiyong medical o kinakailangang ma-ospital dahil sa iba’t ibang pisikal o mental na karamdaman.

Pero ang Medical Care Program para sa mga OFWs ay limi­tado lamang aniya sa mga curative at medical services kaya dapat ng magkaroon sila ng sariling ospital para sa “preventive, promotive, diagnostic, at rehabilitative programs”.

Ayon pa kay Lapid, napakalaking tulong sa ekonomiya ang ipinapasok na dolyar sa bansa ng mga OFWs kaya dapat lamang na pangalagaan din ng pamahalaan ang kapakanan nila.

 

Show comments