Lola nadaganan ng puno

MANILA, Philippines - Patay ang 60-anyos na lola matapos madaganan ng punungkahoy na nabuwal habang pauwi kasama ang anak nitong babae dulot ng masamang lagay ng panahon sa Zamboanga City kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Dorotea Tayco ng Sitio Payapa Anuling, Barangay Pamucutan sa nasabing lungsod.

Ayon kay police regional office 9 spokesman P/Chief Inspector Ariel Huesca, naganap ang insidente sa dakong alas-5:30 ng hapon may ilang metro ang layo mula sa bahay ng matanda.

Nabatid na naglalakad ang matanda kasama ang anak nitong si Annie Rose nang biglang mabuwal ang malaking punungkahoy na sa kamalasan ay dumagan ang mabigat na sanga sa biktima.

Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang matanda pero idineklarang patay.

 

Show comments