New terror group utak sa bombing
MANILA, Philippines - Isang bagong sibol na grupong Khilafa Islamiah Mindao (KIM), ang lokal na teroristang kaalyado ng Al Qaeda ang itinuturong nasa likod ng madugong pambobomba sa Cagayan de Oro City noong Hulyo 26 na kumitil ng buhay ng 8 katao habang 46 pa ang nasugatan.
Ayon kay PNP–CIDG Director P/Chief Supt. Francisco Uyami Jr., ang nasakoteng bomber na si Usman Hapdis, alyas ‘Mam Man’ ay natukoy sa imbesÂtigasyon na miyembro ng Khilafa Islamiah Mindao.
Una nang sinampahan ng kasong 8 counts ng multiple murder at 48 namang counts ng multiple frustrated murder ng PNP sa Cagayan de Oro City si Hapdis at anim pa nitong kasamahan na natukoy na nasa likod ng malagim na pambobomba sa Kyla’s Bistro Bar sa Limkethai Center sa Rosary Arcade ng lungsod.
Ang Al Qaeda terrorist group na naitatag ni Osama bin Laden ay itinuturing na public enemy number 1 ng Estados Unidos dahilan sa malagim na Setyembre 11, 2001 terror attact sa World Trade Center at Pentagon District doon na kumitil at sumugat ng mahigit 3,000 katao.
Samantalang ang Jemaah Islamiyah (JI), ang Southeast Asian terror network ng Al Qaeda ay ilan rin sa mga miyembro ang na-monitor na nagsisipagtago at nagsasagawa ng pagsasanay sa mga kaalyado ng mga itong bandidong Muslim sa rehiyon ng Mindanao.
Sa report ni Sr. Supt. Eliseo Rasco, Chief ng Regional Intelligence Detection Unit 10, si Hapdis ay may kasamahang 40 terorista kung saan 8 rito ay pawang mga hardcore at 15 naman ang patuloy na sumasailalim sa Arabic language course simula pa noong Hulyo.
Ayon pa sa ulat, nasa 23 sa KIM ang nasa likod ng malagim na pambobomÂba sa lungsod kung saan kabilang sa nasawi ay si Misamis Oriental Board member Ronald Lagbas at dalawang doktor habang karamihan din sa mga nasugatan ay mga medical representatives na dumalo sa katatapos na pagpupulong.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa iba pang mga nasa likod ng pambobomba.
Sa panig naman ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, sinabi nito na patuloy ang masusing imbestigasyon sa kaso ng mga pambobomÂba at intelligence monitoring laban sa mga bomber.
- Latest