Gobyerno magbabayad ng P300M sa ‘Hacienda’
MANILA, Philippines - Mahigit 300 milyon piso ang ibabayad ng gobyerno para sa 4,500 ektarya ng Hacienda Luisita na isinailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Ayon kay Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Virgilio delos Reyes sa ginanap na budget hearing, sa nasabing halaga ay hindi pa umano kasama dito ang interes mula sa 1989 na babayaran ng gobÂyerno sa mga Cojuangco.
Paliwanag ng kalihim, base sa kwenta ng Land Bank of the Philippines, P68,000 ang halaga ng bawat ektarya ng Hacienda Lusita na sinakop ng CARP.
Sa 4,500 ektarya ng Hacienda na isinailalim sa CARP 4,099 dito ang aktuwal na ipapamahagi sa mga magsasaka dahil ang nalalabi ay itinuturing na common areas tulad ng kalye, sementeryo at irigasyon na mananatili sa Republika ng Pilipinas.
Ayon kay delos Reyes, magmumula sa 2013 Budget ng DAR ang pambayad sa pamilya Cojuangco.
Subalit sa ngayon ay hindi pa malilinaw kung magkano ang magiging bahagi ng mga magsasaka sa 1.3 bilyon na kinita ng huli sa pagbebenta ng 590 ektarya ng Hacienda sa RCBC.
Ito ay dahil sa hindi umano magkasundo ang dalawang panig kung sino ang mag-o-audit nito kayat umakyat muli ang DAR sa Korte Suprema para humingi ng guidance.
- Latest