MANILA, Philippines - Isang miyembro ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang inaresto ng pulisya dahil sa reklamo ng pangongotong sa isang motorista sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Ang inaresto ay nakilalang si Warren DC Mabbayad, 32, residente ng Barangca Ibaba, Mandaluyong City.
Si Mabbayad ay dinakip ni SPO3 Elmer Rabano, hepe ng Station Internal Legal Officer ng PS7, matapos na humingi ng tulong ang motoristang si Anthony Santos, 34, medical representative ng Rich Town Subdivision, Lalawigan Samal, Bataan, kaugnay sa paÂngongotong sa kanya ng halagang P500.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa may bisinidad ng Edsa corner Aurora Blvd., Cubao, ganap na ala-1 ng hapon.
Bago ito, ayon sa salaysay ni Rabano, nagsaÂsagawa siya ng inspection sa lahat ng personnel na idineploy sa crime prone area partikular sa naturang lugar nang hingan ng tulong ng biktima.
Inireklamo umano kay Rabano ng biktima na kinotongan siya ng isang MMDA personnel ng halagang P500 bilang bayad sa paghuli sa kanila dahil sa paglabag sa trapiko
Agad na sinamahan ni Rabano ang complainant sa lugar at positibong itinuro si Mabbayad dahilan para ito arestuhin at dalhin sa himpilan ng PS7 kasabay ng pagbawi sa halagang P500 na ibinayad ng mga biktima.
Ayon sa ulat, si Santos ay sakay ang isang pribadong sasakyan nang hulihin ng suspect sa naÂturang lugar dahil sa isang paglabag sa batas trapiko.
Para hindi matiketan ay humingi na lamang umano ng P500 ang suspect na siyang ugat ng naturang reklamo.