MANILA, Philippines - Pinagpapaliwanag ng isang mambabatas ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa naganap na pagsabog sa Mindanao.
Bagamat tumangging magbigay ng konklusyon si Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon na siya rin chairman ng House Committee on National Defense and Security, sinabi nito na tungkulin ng PNP at AFP na magpaliwanag sa publiko kung ano ang tunay na nangyari sa Cotabato City.
Giit ni Biazon, hindi maaaring iugnay ang mga pagsabog sa terror threat sa Amerika dahil mayroong lawless elements sa Pilipinas tulad ng Abu Syaff at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Mahirap din tukuyin kung ano talaga ang nangyari dahil ang mga otoridad lamang ang dapat magsalita tungkol dito sa pamamagitan ng kanilang intelligence network.
Nanawagan naman si Sen. Gregorio Honasan sa PNP na laliman pa ang imbestigasyon at huwag isantabi ang anggulo ng terorismo.
Ang insidente ay nangyari malapit sa isang funeral home, ospital at commercial zone at hindi ito kalayuan sa compound ng tanggapan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kung saan maraming tao ang dumadaan sa lugar.
“Alam natin ang mga terorista ay pinipili ang mga matataong lugar sa kanilang mga pag-atake. Ang kanilang layunin ay hindi lamang maliitin o hiyain ang gobyerno kundi ang manakit at pumatay ng tao,†sabi ni Honasan.
Bagaman at tinitingnan ng PNP na si City Administrator Cynthia Guiani-Sayadi ang pangunahing target pero sinabi ni Honasan na dapat seryosong tingnan ng PNP sa kanilang imbestigasyon na gawa ito ng terorista.
May mga indikasyon anya na may mga motibong pulitikal o personal na pag-atake pero hindi rin dapat kalimutan na pangalawa na itong insidente ng pagsabog na nangyari sa loob lamang ng 10 araw.
Iginiit pa ni Honasan na dapat na higpitan ang seguridad sa iba’t ibang lugar sa Mindanao pagkatapos ng nangyaring pagsabog sa Cagayan de Oro kamakailan.