MANILA, Philippines - Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng Luzon at ang buong Mindanao ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan at pagkidlat-pagkulog. Ang Kabisayaan ay magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog. Katamtaman hanggang sa malakas na hangin mula sa timog-kanluran hanggang timog-silangan ang iiral sa kanlurang bahagi ng Gitna at Katimugang Luzon at ng Kabisayaan at ang mga baybaying dagat sa mga lugar na ito ay magiging katamtaman hanggang sa maalon. Sa ibang dako, ang hangin ay magiging mahina hanggang sa katamtaman mula sa timog-kanluran hanggang timog-silangan na may banayad hanggang sa katamtamang pag-alon ng karagatan. Ang araw ay sisikat ganap na alas-5:40 ng umaga at lulubog ng alas-6:23 ng gabi.