MANILA, Philippines - Hindi magbibigay ng proteksyon ang liderato ng Kamara kay Lanao del Norte Cong. Abdullah Dimaporo sa gitna ng pagpapaaresto sa kanya ng Sandiganbayan.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte at House Majority leader Neptali Gonzales, hindi maaaring gamitin ni Dimaporo ang immunity nito bilang mambabatas dahil base sa konstitusyon, hindi lamang sila maaaring maaresto habang nakasesyon ang kongreso kapag ang parusa sa kinakaharap na kaso ay anim na taong kulong pababa.
Ang tangi umanong magagawa ni Dimaporo ay maghain ng motion for reconsideration at igiit sa mosÂyon para makapag-piyansa.
Samantala, naisilbi na ng Sandiganbayan 5th Division ang warrant of arrest laban kay Rep. Dimaporo kaugnay ng kasong may kinalaman sa fertilizer fund scam noong 2004.
Ayon kay Atty. Ma.Teresa Pabulayan, clerk of court ng 5th division ng Sandiganbayan, ganap na alas-11:00 kahapon ng umaga nang maisilbi ang arrest warrant.
Nasa ilalim na ngayon ng kustodiya ng Sandiganbayan si Dimaporo na kasalukuyan pang naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center dahil sa chest pains at acute myocradial infraction.
Naghain naman ng petisyon ang kampo ni Dimaporo para mapayagan ding makapagpiyansa sa kaso nitong malversation of public funds na may kaakibat na mosyon para isailalim siya sa hospital arrest.
Bunsod nito, pinagsusumite ng Sandiganbayan 5th division Chairman na si Justice Roland Jurado ng komento ang prosekusyon sa loob ng 10 araw para sagutin ang mosyon ng depensa.