MANILA, Philippines - Sa gitna ng isyu tungkol sa pork barrel ng mga mambabatas, tiniyak kahapon ng Malacañang na dumadaan din sa Commission on Audit ang President’s Social Fund (PSF).
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, walang pork barrel ang Pangulo at sa halip ay mayroon itong PSF na binubisisi din ng COA.
“Unang-una, wala hong pork barrel ang Pangulong Aquino. Siguro po ang pinatutungkulan po nila ay ‘yung President’s Social Fund, na siguro po ay hindi lang nila alam ay ina-audit na po ‘yan ng Commission on Audit,†ani Valte.
Binanggit din ni Valte na lahat ng pinagkagastusan ng PSF ng Pangulo ay maaring makita online base na rin sa report ng COA.
Ipinaliwanag pa ni Valte na ang PSF ay kalimitang ibinibigay ng Pangulo bilang special financial assistance para sa Armed Forces of the Philippines at sa Philippine National Police combat casualties.
Kinukuha rin umano ng Pangulo sa nasabing pondo ang tulong na ibinibigay sa mga biktima ng kalamidad.
Kaya umano madalas na nababanggit ang “from the President’s Social Fund†kapag may tinutulungan ang Punong Ehekutibo.
Normal din aniya ang pagbibigay ng tulong ng Pangulo sa mga anak ng mga sundalo o pulis na namamatay sa aksiyon lalo sa pag-aaral ng mga ito.