Pagtanggal sa pork barrel isinulong na ni Miriam

MANILA, Philippines - Inihain na kahapon ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang resolusyon na naglalayong bawasan ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na pork barrel ng mga senador at congressmen hanggang tuluyan itong mawala.

Sa Senate Resolution 133 ni Santiago, nais nitong kalahati na lamang ng PDAF ang ibigay sa mga mambabatas sa 2014 at ang natitirang kalahati ay sa 2015 at tuluyan ng i-phase out sa 2016.

Ayon kay Santiago, ang bawat senador ay nakakatanggap ng P200 milyong PDAF bawat taon samantalang P70 milyon naman sa bawat congressman.

Sa loob ng anim na taong panunungkulan ang isang senador ay nakakatanggap ng kabuuang P1.2 bilyon samantalang ang isang congressman ay P210 milyon sa loob ng isang three-term term.

“In practice, some receive more, other less, than their regular entitlement,” ani Santiago sa kanyang resolusyon.

Ipinaliwanag pa ni Santiago na hindi naman talaga direktang napupunta sa mga mambabatas ang pondo.

Kalimitang inilalaan sa “hard” type category katulad ng farm-to-market roads, tulay, irrigation at iba pa ang kalahati ng pork barrel ng mga senador at congressmen at ang kalahati naman ay sa “soft” type katulad ng scholarship, health services, financial aid sa mga local government, grant sa ilang government corporations na kalimitang ipinapasa naman sa mga non-government organizations (NGOs) at iba pa.

Naniniwala si Santiago na naiwasan sana ang kontrobersiya sa PDAF kung saan sinasabing umabot sa P10 bilyon ang napunta sa mga pekeng NGOs kung mayroong transparency sa paggamit ng pondo ng gobyerno at kung naipasa na ang Freedom of Information (FOI) bill.

Ang pinaka-mabuting so­lusyon aniya para masolusyunan ang problema ay ang tulu­yang tanggalin ang pork barrel kasama na ang nakapaloob sa 2014 national budget.

Pero hangga’t hindi pa umano natatanggal ang pork barrel dapat higpitan ng gobyerno ang pagpapalabas nito at istriktong ilaan na lamang sa mga “hard” projects.

 

Show comments