MANILA, Philippines - Pinakakasuhan ng kriminal ni Ombudsman Conchita Carpio Morales si dating Deputy Ombudsman for Luzon Mark Jalandoni, dating Assistant Ombudsman Nennette De Padua, at dating Executive Assistant Rosalyn D. Martinez dahil sa pamemeke ng official documents.
Sa isang resolusyon na nilagdaan ni Morales, nakasaad dito na nakakita siya ng ‘probable cause’ para maidiin ang mga akusado sa 13 counts ng Falsification of Public Documents at 56 counts ng Infidelity in the Custody of Public Documents.
Bukod dito, napatunayan din ng Ombudsman na si Jalandoni ay liable sa kasong Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service kayat dapat itong masibak sa puwesto, makansela ang eligibility, pagkumpiska sa retirement benefits at di maaring humawak ng anumang puwesto sa gobyerno .
Dahil sa nagbitiw na sa kanyang posisyon si Jalandoni noong April 2011, pinatawan ito ni Ombudsman Morales na magmulta ng kasinghalaga ng sahod nito sa loob ng isang taon.
Ang kaso ay nag ugat sa reklamo ni Overall Deputy Ombudsman Orlando Casimiro na nagsasabi na ang mga akusado ay nagsabwatan sa desisyon, resolusyon, kautusan at iba pang official documents noong nasa puwesto pa sila sa Ombudsman noong panahon na Acting Ombudsman si Casimiro at iutos ang pag-imbentaryo sa mga naka-pending na kaso matapos magbitiw sa tungkulin si Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Natuklasan ni Casimiro na sina Jalandoni, De Padua at Martinez ay nag tamper ng mga official documents sa pamamagitan ng mga pekeng pirma ng mga approving authorities.