MANILA, Philippines - Walang sasantuhing opisyal ang Malacañang sa sandaling ipatupad ang paglilinis at reporma sa Bureau of Customs na sinasabing talamak ang anomalya at korapsiyon.
Ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, malinaw ang naging utos ni Pangulong Aquino na ebidensiya ang magtuturo ng mga dapat managot.
Matatandaan na inamin mismo ni Customs Deputy Commissioner Danilo Lim na may mga puwersang nasa labas ng BOC na hindi nila kayang kontrolin.
Samantala, ipinagtanggol ng Palasyo si Executive Secretary Paquito Ochoa mula sa mga akusasyon na padrino ito ng ilang empleyado ng Customs.
Bagaman at inamin ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na inirekomenda ni Ochoa ang appointment ng isang opisyal ng Customs, hindi aniya nangangahulugan na protector o isa na itong padrino.
Kinumpirma ni Valte na si Ochoa ang nagrekomenda sa appointment ni Peter Manzano bilang Customs deputy commissioner pero wala umanong kinalaman ang executive secretary sa mga transaksiyon na pinasok ni Manzano ilegal man o hindi.
Mismong si Ochoa umano ang nagkumpirma kay Valte na siya ang nagrekomenda kay Manzano sa posisyon.
Napaulat sa isang pahayagan na kabilang si Ochoa sa sinasabing protector ng ilang opisyal ng Customs.
Matatandaan na isa ang BOC sa mga ahensiya ng gobyerno na binanatan ni Pangulong Aquino sa kanyang nakaraang State of the Nation Address.