Magtatayo ng bahay, tindahan sa sidewalk, tulay ikukulong

MANILA, Philippines - Maaari nang makulong ang mga magtatayo ng bahay o negosyo sa mga sidewalks at tulay sa buong bansa.

Ito ay sa sandaling maisabatas ang House Bill 1386 na inihain ng mag-inang Pampanga Rep. Gloria Arroyo at Camarines Rep. Dato Arroyo na naglalayong gawing krimen ang pagnenegosyo at pagtatayo ng tirahan sa mga sidewalks at tulay.

Sa ilalim ng panukalang batas, makukulong ng 30-araw at magmumulta pa ng P1,000 ang lalabag dito.

Katwiran ng mag-inang Arroyo, sa ilalim ng clear sidewalks act, malaking abala ang mga nagkalat na stalls at temporary shelter sa mga sidewalks at tulay.

Ang ganitong mga imprastruktura ay itinatayo umano ng gobyerno para sa maayos na movement ng tao at produkto.

Subalit sa maraming lugar ay nagiging bentahan umano ito ng pagkain, dyaryo, sigarilyo at iba pang kalakal tulad ng sapatos, damit, alahas at iba pa.

Sa ilalim din ng panukala ipinagbabawal ang paglalagay ng kulungan ng hayop sa sidewalks at ang gawin itong tambakan ng kung ano-anong gamit pati na ang gamitin itong lugar ng handaan kapag may selebrasyon.

Show comments