Biazon hinamon na gawing pormal ang pagbibitiw sa BoC

MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ng ilang miyembro ng minor­ya sa Senado si Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon na gawin ng pormal ang kaniyang pagbibitiw dahil hindi sapat ang ginawa nitong pagti-text kay Pangulong Aquino.

Ayon kay Senator JV Ejercito, pag nagbitiw ang isang opisyal sa pamamagitan ng pagti-text ay parang nagpapapigil lamang at wala talagang intensiyon na iwan ang posisyon kahit pa nabanatan na ng Pangulo.

“Pag text kasi, resign na nagpapapigil iyan eh. Saka government official ka, dapat formal lahat ng transaksiyon at communication,” ani Ejercito.

Binanatan din ni Ejercito ang ginawang pagdi-display ni Biazon ng text conversation nila ni Pa­ngulong Aquino sa publiko dahil nagpapakita umano ito ng kayabangan.

Naniniwala si Ejercito na “unethical” ang ginawa ni Biazon na pagbabandera sa publiko ng komunikasyon nila ng Pangulo at hindi ito dapat naging public knowledge.

“Kung anuman ang usapan o text nila ng Presidente, dapat hindi niya i-divulge yun bilang courtesy at respeto na rin sa Presidente,” ani Ejercito.

Kung totoo aniyang sinsero si Biazon at nais nitong bigyan ng kalayaan ang Pangulo na mamili ng bagong uupo sa BOC ay dapat nagpadala ito ng resignation letter sa Presidente katulad ng ginawa ni Customs Deputy Commissioner Danny Lim.

Sinabi naman ni Senator Vicente “Tito” Sotto III na maituturing na “unofficial” ang pagbibitiw ni Biazon sa pamamagitan lamang ng text.

“For record purposes, otherwise, walang record ng pagre-resign. Unless wala talagang intensiyon mag-resign,” sabi ni Sotto.

Magiging unfair din ani­ya kay Lim kung ta­tanggapin ng Pangulo ang resignation nito samantalang pinanatili sa puwesto si Biazon.

Sinabi naman ni Senator Gregorio Honasan na nakasalalay na sa style ng President kung para sa kanya ay pormal ang pagbibitiw sa pamamagitan ng text message.

“Kanya-kanyang style iyan ng apppointed at nag-appoint basta ayon sa batas sa kinakatigan na standards ng ethics at delicadeza ng bawat personalidad na sangkot,” sabi ni Honasan.

 

Show comments