MANILA, Philippines - Pinayuhan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko na huwag paloloko sa mga misleading advertisements at promotions dahil hindi maaring pamalit sa gamot ang iba’t ibang Food and Dietary Supplements (FDS) na namamayagpag sa merkado.
Batay ito sa paglilinaw sa FDA Advisory No. 2013-020 na nilagdaan ni Acting Director General Kenneth Hartigan-Go.
Sa nasabing advisory, nagpahayag rin nang pagÂkabahala ang FDA hinggil sa mga misleading advertisement, promotion at marketing ng mga FDS na kalimitang nagiging dahilan upang maraming consumers ang bumili ng mga ito bilang gamot o medisina sa kanilang mga karamdaman.
Nilinaw ng FDA na ang FDS ay mga processed food sa porma ng kapsula, tablet, likido, gels, pulbos o pills na ang intensiyon lamang ay hindi ang makagamot kundi dagdagan ang total daily food energy o nutrient intake ng isang tao.
Gayunman, kapansin-pansin umano na sa mga patalastas ay madalas itong ina-advertise at pinu-promote bilang agents na nakagagamot sa mga taong may sakit na cancer, meningitis, diabetes, hypertension, asthma, hypercholesterolemia at iba pang karamdaman.
Iginiit naman ng FDA na wala itong katotohanan dahil ang FDS ay suporta lamang sa food intake at hindi para pamalit sa mga iniresetang gamot at medisina ng mga doktor, partikular na ng mga maintenance na medisina para sa hypertension, dyslipidemia, diabetes, cancer at iba pa.